MANILA, Philippines - May 17 katao ng sugatan sa banggaan ng dalawang pampasaherong bus sa bahagi ng northbound lane sa kahabaan ng EDSA-Santolan kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, ang nagsalpukang bus ay ang Philtranco bus (TYZ 501) na minamaneho ng isang Cedir Paquinding; at JFT Liner (TYX 776) na minamaneho naman ng isang Wenshy Fernando.
Nangyari ang insidente ganap na alas- 5:45 ng umaga partikular sa may harap ng gate 4 ng Camp Aguinaldo.
Sinasabing kapwa tinatahak ng dalawang bus ang naturang lugar kung saan nasa unahan ng Philtranco bus na may biyaheng Ormoc Leyte at ang JFT liner na may biyaheng Norzagaray, Bulacan nang biglang huminto ang huli para magsakay ng pasahero.
Sa biglaang pagkakahinto ng JFT liner ay hindi na nagawang makapagpreno ni Paquinding at sumalpok ito sa hulihan ng una. Dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang mga biktima sa loob ng bus sanhi para magtamo ang mga ito ng sugat at pasa sa katawan.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.