MANILA, Philippines - Iniimbestigahan na ngayon ng Parañaque City Police ang pag-iwan ng hindi pa nakikilalang lalaki sa isang patay na sanggol na babae sa compound ng Baclaran Church sa naturang lungsod kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang deboto na nakilalang si Minda Historia ang nakakita sa isang lalaki na nakasuot ng shorts at basketball jersey na may bitbit na paper bag dakong alas-11 ng gabi sa labas ng simbahan at basta na lamang iniwan ito sa isang bahagi ng compound.
Maaari umano na sa may wishing well ng simbahan iiwanan ang paper bag ngunit nagmadali ito nang mapansin siya ng lalaki. Nang kanyang puntahan ang paper bag, dito niya nadiskubre ang sanggol na walang buhay na laman nito.
Pinangalanan pa ng posibleng magulang nito ang sanggol na “Dominique” base sa sulat na iniwan sa loob ng paper bag. Nakasaad rin sa sulat na: “Please bless my daughter, baby Dominique. And do pray for her before she goes to her grave. I hope this will be kept confidential. Thank you and God Bless.”