MANILA, Philippines - Nasawi ang isang empleyado ng China Bank nang barilin sa ulo ng riding-in-tandem habang nasa tapat ng kanyang sasakyan kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang biktimang si Edwin Lao, 36, accounting clerk sa China Bank, Binondo Branch, na naging sanhi ng kamatayan nito.
Mabilis namang tumakas ang suspect na riding- in-tandem matapos ang pamamaril sa biktima.
Ayon kay SPO4 Alberto Mapilisan ng Manila Police District (MPD)-Station 11, dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng China Bank na nasa panulukan ng Sto. Cristo at Comercio Sts., Binondo, Maynila.
Nabatid na pumasok na sa loob ng nasabing banko ang biktima subalit bumalik sandali sa kanyang sasakyan.
Habang nasa kanyang sasakyan ay doon na ito nilapitan ng isa sa mga suspect at walang sabi-sabing binaril ang biktima sa ulo saka mabilis na tumakas.
Isinugod sa Metropolitan Hospital ang biktima pero nasawi habang nilalapatan ng lunas.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng MPD-Homicide Section para alamin ang motibo ng pagpaslang sa biktima ng mga suspect.