MANILA, Philippines - Isang miyembro ng ‘Akyat Bahay gang’ ang natimbog ng mga barangay tanod habang itinatakas ang ninakaw na vaccum cleaner na kinulimbat sa isang bahay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Walang nagawa pa si Rodel dela Hostria, 46, nang bitbitin ng mga barangay tanod at dalhin sa himpilan ng pulisya.
Siya ay ipinagharap ng reklamo ng biktimang si Jonathan Santos, 33, residente sa 136 Sct. Rallos St., Brgy. Sacred Heart dahil sa pagnanakaw ng nasabing gamit.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ganap na alas-3 ng madaling-araw makaraang pasukin ng suspect ang bahay ni Santos sa pamamagitan ng pag-akyat sa gate nito. Habang itinatakas ng suspect ang vaccum cleaner na nagkakahalaga ng P4,000 ay nakita ito ng biktima at hinabol.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang nasabing mga tanod at hinarang ang suspect at inaresto.