3 holdaper tiklo sa hideout

MANILA, Philippines - Hindi natakasan ng tatlong kilabot na holdaper ang ginawang panghoholdap sa mga pasahero ng isang bus nang masakote ang mga ito habang pinag­hahatian ang kanilang mga nadilihensya, kamaka­lawa ng hapon sa Pasay City.

Nakilala ang mga na­dakip na sina Alberto Ocana, 33; Randy Tablante, 31; at Bryan Cruz, 28, pawang mga miyembro ng ‘Sigue-Sigue Sputnik gang’.

Sinampahan ang mga ito ng kasong panghoholdap ng mga biktima nilang sina Victorio Fajilan, Jr., 28; Jean Minoza, 51; at Jullian Pinga, 20, estudyante.

Sa ulat ng Pasay City police, nagpanggap na mga pasahero ang tatlong suspek na sumakay sa Ma­landay Bus Transport buhat sa Buendia, Pasay at pa­tungo ng Makati dakong ala-1 kama­kalawa ng hapon.

Nang sumapit sa kanto ng F.B. Harrison Street, dito naglabas ng mga baril at pa­talim ang mga suspek at nagdeklara ng holdap at saka nilimas ang mga gamit at pera ng mga pasahero at saka bumaba pagsapit ng kanto ng Leveriza Street.

Nagpahatid naman ang mga biktima sa driver ng bus sa Police Community Precinct 2 kung saan posi­tibong nakilala sa rouge gallery ang isa sa mga suspek. Dito agad nagsagawa ng operas­yon ang pulisya at unang nais­patan ang suspek na si Ocana sa may G. Villa­nueva Street na agad na nagtatakbo sa isang eskinita at pumasok sa isang barung-barong.

Mabilis namang sinundan ng mga pulis ang suspek kung saan naabutan ito at ang mga kasamahan na abala sa paghahati-hati ng kanilang mga nakulimbat na gamit at pera.

Show comments