MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang preso ng Manila City Jail (MCJ) makaraang magbigti gamit ang green na nylon cord na isinabit sa loob ng banyo sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Robert Lyneil Refol, 23, inmate sa dormitory 11 ng MCJ at residente ng Obrero St., Pureza Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, dakong alas-7:25 ng gabi nang makita ang biktima na nakabigti sa loob ng banyo ng dorm 11 ng MCJ, ng isa ring inmate na kinilalang si Chard Verilao na gagamit sana ng banyo.
Sa rekord, nakulong ang biktima sa MCJ noong Agosto ng nakalipas na taon kaugnay sa kasong illegal possession of deadly weapon.
Kabiguang makapaglagak ng piyansa kaya nanatili sa piitan ang biktima kahit bailable ang kanyang kinakaharap na kaso.
Agad namang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktima pero hindi na naisalba ang buhay niya.
Isang suicide note naman ang natagpuan ng mga awtoridad na dito nakasaad ang: “Mahal ko kayong lahat pasensiya kung nagawa ko ito dahil masyado na akong nakaperwisyo sa pamilya ko, pakisabi sa Cavite ako iburol.”