Malakas na lindol sa MM, nakaamba na
MANILA, Philippines - Pinaghahandaan na ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang malakas na lindol na nakaambang tumama sa Metro Manila sanhi ng namonitor na paggalaw ng west valley fault, dahilan sa ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang nasa “Pacific Ring of Fire”.
Ito ang ibinabala kahapon ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa ginanap na earthquake drill sa Camp Aguinaldo katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamumuno ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
“The Philippines is really overdue for a strong earthquake, it happened last Feb 6 (Negros Island) but that will not be the last, each region, each province in the country would have its own earthquake scenario”, ani Solidum kung saan dahilan sa maraming fault line sa Metro Manila ay maaaring ito na ang sumunod.
Sa kasalukuyan, ayon kay Solidum ay patuloy ang kanilang pagmomonitor sa west valley fault kung saan naghukay na ang kanilang ahensya umpisa pa nitong nakalipas na linggo sa Brgy. Silangan sa Quezon City sa tulong ng mga counterpart mula sa bansang Australia upang pag-aralan ang mga bato at lupa para matukoy kung kailan posibleng maganap ang malakas na lindol.
Sinabi ni Solidum na dapat maghanda sa posibleng 7.2 magnitude ng lindol na nakaamba sa Metro Manila pero nilinaw na hindi pa tiyak kung kailan ito tatama na nakadepende sa paggalaw ng lupa.
“Pinapag-aaralan natin kung gaano ba kalayo o kalaki ang vertical displacement o horizontal displacement, para ma kita natin yung magnitude ng paglindol at that would confirm yung scenario natin na tama na around magnitude 7 or 7.2”, ani Solidum sa mediamen.
Ayon kay Solidum, sakaling maganap ang pinangangambahang malakas na lindol sa Metro Manila ay 10 % ng mga gusali at 13 % naman ng mga residential area ang maaaring maapektuhan o higit pa.
Sinabi naman ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na ang ‘earthquake drill’ ay malaki ang maitutulong upang mapaghandaan ang mapaminsalang lindol matapos ang malagim na trahedya ng lindol sa Negros Oriental noong Pebrero 6 ng taong ito na kumitil ng 57 buhay habang marami pa ang nawawala.
- Latest
- Trending