Retiradong guro ginilitan sa loob ng bahay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 80-anyos na retired teacher nang laslasin ang leeg nito ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng bahay nito sa Navotas City kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Rosalia Samson, ng Governor Pascual St., Almacen, Brgy. Sipac ng nasabing lungsod.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang mga kagawad ng Navotas City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon sa inisyal na report ng Station Investigation Division (SID), Navotas City Police, dakong alas-9:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang kaanak sa loob ng ikalawang palapag ng bahay nito sa nabanggit na lugar.
Base sa nakalap na impormasyon ng mga pulis mula sa pamangkin ng biktima na nakilalang si Bobbit, dalawang araw na nilang hindi nakikita ang tiyahin.
Hindi umano ito bumababa mula sa kuwarto nito na nasa ikalawang palapag, hanggang sa napansin nilang may dugong tumulo mula sa itaas.
Kaagad na inalam ng naturang kaanak at umakyat ito sa itaas, laking gulat nito nang tumambad sa kanya ang nakahandusay at duguang biktima, kung saan nakitang laslas ang leeg nito na naging dahilan ng kamatayan nito.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya ukol dito habang inaalam pa rin kung may nawawalang gamit sa biktima.
- Latest
- Trending