Syrian dakma sa marijuana
MANILA, Philippines - Isang babaeng Syrian ang inaresto ng awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport matapos makumpiskahan ng dalawang sticks ng pinatuyong dahon ng marijuana kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating kay Philippine Drug Enforcement Agency Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr., kinilala ang suspek na si Reem Suliman Altawijri, 36, ng Riyadh, Sahafa Area, Saudi Arabia.
Si Altawijri ay nadakip sa may departure area ng NAIA terminal 1 ganap na alas-10:30 ng gabi nang madiskubre sa kanyang bulsa ang dalawang sticks ng marijuana na nakahalo sa 18 sigarilyo.
Nakatakdang sumakay sa Etihad Airways Flight EY421 ang suspek patungong Abu Dhabi sa United Arab Emirates.
Nabatid na si Altawijri ay nagbakasyon lamang sa bansa sa loob ng tatlong linggo kung saan tumuloy sa Baguio City.
Nakapiit ngayon si Altawijri sa PDEA National Capital Region kung saan isasalang sa inquest para sa kasong paglabag sa Section 11 and Section 5 (Possession and Transportation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest
- Trending