MANILA, Philippines - Nagpasaklolo na sa Manila Regional Trial Court (RTC) si dating NBI director Magtanggol Gatdula laban sa anumang aksiyon ni Justice Secretary Leila de Lima, NBI Officer in Charge Nonnatus Rojas at NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda na maaring maging banta sa buhay at seguridad niya at ng kaniyang pamilya.
Inihain ni Gatdula ang petition for writ of amparo para mapigilan si De Lima at iba pa sa pag-frame-up umano sa kaniya kaugnay sa bigong pananambang kay Esmeralda noong nakalipas na linggo at siya umano ang tinutumbok na mastermind sa assassination plot.
Hiling ng kampo ni Gatdula na magpalabas ang korte ng writ of amparo sa pangambang paghahain ng mga bogus na kaso gaya ng frustrated murder laban sa kanya.
Bukod pa rito, ang kahilingan niya na magpalabas ang hukuman ng Temporary Protection Order at Production Order para sa pagpapalabas ng mga medical at ballistic report at iba pang mga dokumento na may kinalaman sa pag-ambush kay Esmeralda. Nakatanggap daw kasi sila ng impormasyon na plano umano ng mga respondent na palabasin na siya ang mastermind o utak ng nasabing pananambang.