Bingo 'off limits' na sa Maynila
MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Manila Mayor Alfredo Lim na “off limits” o hindi na papayagan ang paglalagay ng mga bagong larong bingo sa ilang lugar sa lungsod bagama’t pumasa pa ito sa City Council.
Sa kanyang pakikipagpulong kay Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Alex Gutierrez at mga station commanders, inutos ni Lim na imonitor at ipatigil na ang mga bagong lagay na bingo sa ilang mga lugar sa lungsod kahit pa naipasa ito sa konseho.
Paliwanag ni Lim, isang uri pa rin ito ng sugal tulad ng jueteng na dapat na maalis at matigil sa lungsod.
Gayunman hindi naman na aalisin ang mga dati at lumang binguhan. Hindi maaaring mag-operate ang mga ito lalo pa’t hindi naman pinayagan ng Bureau of Permits dahil ito ay isang uri din ng sugal na kinahuhumalingan ng mga misis.
Maging ang mga nagbibingo sa bangketa kasabay ng paglalagay ng patay upang pagkakitaan ay pinagbabawal din. Aniya, nakakaawa ang mga patay na matagal ng nakaburol subalit pinakikinabangan ng iilan.
Bukod dito, hindi rin ligtas ang bingo sa mga piyesta. Ayon sa alkalde maaari namang ipagdiwang ang piyesta ng walang bingo o anumang uri ng sugal.
Ang piyesta ay pagsasama-sama ng mga kamag-anak at kaibigan kasabay ng pasasalamat sa patron.
- Latest
- Trending