MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na walang dapat na ipangamba ang mga magulang ng M. Hizon Elementary School bunsod na rin ng reklamo ng pananakit ng ilang mga guro dito sa kanilang mga estudyante.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim, kasabay ng pulong kung saan siya namagitan sa mga magulang at guro.
Ayon kay Lim, walang puwang sa mga paaralan ang mga gurong nananakit at nang-aabuso ng estudyante sa kabila ng pagiging pasaway ng mga ito. Aniya, ang mga guro ang pangalawang ina na dapat na dumisiplina sa mga estudyante at magturo ng tamang asal.
Paliwanag ni Lim, hindi kinukunsinti ng Division of City Schools lalo na ng kanyang tanggapan ang marahas na ugali at pananakit ng ilang mga guro kung kaya’t hinihikayat niya ang mga estudyante maging ang mga magulang na magsampa ng reklamo upang agad na maaksiyunan.
Nabatid kay Lim na siya mismo ang nagrerekomenda kay DCS Superintendent Ponciano Menguito sa pagsibak sa guro na aabusuhin ang kanyang tungkulin at mapapatunayang patuloy na nanakit.
Lumilitaw na napipilitan ang mga estudyante na magpalipat ng section sa oras na malaman na nanakit ang mga guro. Sa kabila nito, pinaiimbestigahan pa rin ni Lim ang mga guro na inirereklamo bagama’t tumanggi itong ibunyag ang mga pangalan.