MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang 15-anyos na high school student makaraang barilin sa ulo ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Payatas, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Paul John Dumadara, ng Sto.Tomas St., Brgy. Payatas, QC. Si Dumadara ay kasalukuyan inoobserbahan sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong isang tama ng bala ng cal. .22 sa ulo.
Tumakas naman ang mga suspek na nakilala lamang sa alyas na Abay na nakasuot ng helmet, jacket na itim at maong pants at isang Buboy matapos ang pamamaril. Sila ay kasalukuyan pinaghahanap ng pulisya.
Ayon kay SPO1 Elden Lasam ng Quezon City Police District Station 6 naganap ang insidente dakong alas-7:00 ng gabi kamakalawa sa kahabaan ng Morning Star Road, Brgy. Payatas A, Quezon City.
Sinabi sa ulat sakay ng isang tricycle ang biktima kasama ang kaibigan nito nang harangin ng mga suspek sakay ng isang motorsiklo.
Pinakiusapan umano ng biktima ang suspek na tumabi subalit agad umano itong binaril sa ulo.
Matapos ang pamamaril tumakas ang mga suspek at iniwan ang duguang biktima na mabilis na naisugod sa ospital.