Kenyan timbog sa P45-M shabu
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P45 milyon ang halaga ng 9.36 kilos ng shabu na nasabat ng mga tauhan ng Special Enforcement Service (SES) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at airport officials sa isang Kenyan national makaraang tangkaing ipuslit sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City kahapon.
Sa isinumiteng ulat ni PDEA Director Gen. Jose S. Gutierrez kinilala ang nadakip na si Lina Aching Noah, 36, na nasabat sa NAIA Terminal 1 dala ang hand carry bag nito kung saan nakalagay ang nasabing kontrabando.
Samantala sinabi ni PDEA Spokesperson Evangeline Almenario bago pa man umano dumating sa bansa ang Kenyan ay nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa kanilang foreign counterpart na may ipapasok na ilegal na droga sa Maynila.
Dahil dito agad nakipag-ugnayan ang PDEA sa Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Customs (BOC) at binantayan nila ang Terminal 1 hanggang sa dumating ang dayuhan sakay ng United Emirates Airlines galing Dubai.
Pansamantalang nakapiit sa PDEA–NCR detention facility ang Kenyan national habang isinasailalim ito sa masusing interogasyon.
- Latest
- Trending