2 Lambda Rho Beta members, kinasuhan

MANILA, Philippines - Ipinagharap na ng kaso sa korte sa Lungsod ng An­tipolo ang dalawang miyembro ng Lambda Rho Beta dahil sa pagkamatay ng neophyte na si Marvin Reglos .

Sa dalawang pahinang information na pirmado ni Associate City Prosecutor ng Antipolo na si Christian Bangui at may petsang ika-22 ng Pebrero, kasong paglabag sa Section 4 (a) ng Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Law ang isinampa laban kina Eric Castillo at Bodjie Bobby Yap.

Sina Castillo at Yap na nauna nang sumailalim sa inquest proceeding ay ang nagdala umano ng bangkay ni Reglos sa Unciano Me­dical Center noong Linggo ng hapon.

Nakipagsabwatan umano ang dalawa sa iba pang mga respondent na sina Arjay Gregena at Jufali Abdulah at sa labing limang iba pa para pahirapan ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Sa inquest resolution, ini­­rekomenda naman ng piskalya na maisalang sa preli­minary investigation ang mga respondent na parehong at-large na sina Gregena at Abdulah.

Kamakalawa ay humarap na sa NBI ang grand Rhoan o ang pinuno ng Lamda Rho Beta Fraternity sa San Beda na si Eduardo Escobal II para makipagtulungan sa imbestigasyon.

Show comments