Tsino, nagbaril sa sarili dahil sa sakit na leukemia

MANILA, Philippines - Isang 69-anyos na Chinese national ang nagpaka­matay sa pamamagitan nang pag­­ baril sa bunganga bunsod nang umano’y hindi na makayanang sakit na leukemia o kanser sa dugo sa Mandaluyong City kahapon ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Florencio Ong, biyudo, at residente ng Lee Gardens Condominium, South Tower, Lee St., corner Shaw Boulevard, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City. Dakong alas-2:00 ng hapon nang madiskubre ni Jinky Tumbaga, 21, kasambahay ng biktima, ang bangkay ng amo na duguang nakahandusay sa loob ng kanilang comfort room.

Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Tumbaga ang insidente sa anak ng biktima na si Ronnie Ong, na siyang humingi ng tulong sa pulisya.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, lumilitaw na isang tama ng bala sa kaniyang bibig na tumagos sa likod ng ulo ang sanhi nang ikinasawi ni Florencio.

Isang suicide note rin na pinaniniwalaang ginawa ng biktima ang natagpuan ng mga awtoridad na nakalagay sa isang bukas na sobre at nakapatong sa isang mesita.

Naniniwala ang pulisya na posibleng ang di na matiis na karamdaman ang nagtulak sa biktima upang wakasan ang sariling buhay matapos na aminin ng anak nito na simula umano nang magkasakit ang ama ay nawalan na ito ng pag-asa na mabuhay pa.

Show comments