10 nalason sa ginisang munggo
MANILA, Philippines - Sinugod sa pagamutan ang 10 empleyado ng isang restoran sa Pasay City nang makaranas ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae matapos mag-ulam ng ginisang munggo sa kanilang pananghalian, kamakalawa ng hapon.
Unang dinala sa clinic ang mga empleyado ng Buffet 101 International Cuisine Restaurant na nasa Bldg K, Seaside Boulevard sina Rodelio Ybanez, 19, Jeremy Barrientos, 24, Robert Carmen, 36, Alejandro Ignacio, 27, Paulo Anthony Cho, 18, Cemjoey Bolima, 19, Lawrence Joy Manlungat, 20, Anastacio Alig, 29, Ryan Armenta, 24 at Carlo Andaya, 21 makaraang sabay-sabay na makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan dakong ala-1:30 ng hapon.
Nang hindi agad na malapatan ng lunas, nagpasya na ang mga manggagamot na isugod ang mga biktima sa San Juan De Dios Hospital.
Sa imbestigasyon ng Pasay City Police, sabay-sabay na kumain ng tanghalin ang mga biktima na nag-ulam ng ginisang munggo na niluto ng cook na si Alberto Cotamora. Matapos kumain, isa-isa ng nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga kawani kaya’t dinala muna sila sa clinic.
Isinailalim naman sa pagsusuri ng Environmental Sanitation Services ng City Health Office ng Pasay City ang lahat ng mga nilulutong pagkain ng naturang restaurant upang alamin kung tumatalima ang mga ito sa tamang pamamaraan ng paghahanda at pagluluto ng pagkain maging ang kakainin ng kanilang mga tauhan.
- Latest
- Trending