MANILA, Philippines - Agad na bumulagta ang dalawang holdaper matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga rumespondeng tropa ng Quezon City Police District (QCPD) ilang minuto makaraang holdapin ng mga ito ang isang babae sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, isa sa nasawi ay tadtad ng tattoo sa katawan tulad ng Tess 69 sa tiyan; commando, Elizabeth sa kanang hita; NBI, Toto, Amman, at tatlong magkakaibang mukha sa likod; Tribal sa dibdib; FEU 751 at calibre sa kanang braso.
Sinasabing ang mga ito ay armado ng kalibre 38 baril nang makipagbarilan sa tropa ng QCPD station 3 sa kahabaan ng GEM 5 Road, malapit sa kanto ng Quirino Highway, Brgy. Baesa ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Ayon kay SPO1 Pascual Fabrea, ang mga suspect ay nanlaban sa mga awtoridad matapos na habulin sila ng mga ito dahil sa panghoholdap sa isang Sheila Sevilla, 29.
Ayon sa salaysay ng biktima, nakatayo siya sa harap ng isang convenient store at naghihintay ng masasakyan papauwi nang lapitan siya ng mga suspect at holdapin.
Matapos matangay ang kanyang wallet na naglalaman ng P550.00 at cellphone ay mabilis na tumakas ang mga suspect.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang tropa ng mobile car SB-07 na hiningan ng tulong ni Sevilla sanhi para habulin nila ang mga suspect.
Pagsapit sa GEM Road, ay tinangkang pasukuin ng mga pulis ang mga suspect, subalit mga putok ng baril ang itinugon sa kanila dahilan para gumanti ng putok ang mga una at mauwi ito sa engkwentro. Matapos ang ilang minutong palitan ng putok ay nakita na lamang nakabulagta sa bangketa ang mga suspect.
Narekober sa lugar ang limang basyo ng bala ng 9mm; tatlong fired bullets; at dalawang basyo ng kalibre 45. Gayundin ang dalawang kinakalawang na kalibre 38 baril na kapwa may laman pang tig-isang bala.