Task Force Esmeralda, binuo ng MPD
MANILA, Philippines - Bumuo na ng task force ang Manila Police District (MPD) na magsasagawa ng sariling imbestigasyon sa ambush incident kay NBI Deputy Director for Technical Services Reynaldo Esmeralda nitong nakalipas na Martes sa Paco, Maynila.
Ayon sa tagapagsalita ng MPD na si C/Insp. Erwin Margarejo, binuo ni MPD director, C/Supt. Alejandro Gutierrez ang Special Investigation Task Force “Esmeralda” na magsasagawa ng malalimang pagsisiyasat sa pananambang dito.
Makikipag-ugnayan din ang nasabing task force sa isinasagawang pag-iimbestiga ng NBI. Samantala, ilalabas ngayong araw (Biyernes) ang artist sketches ng dalawang suspect batay sa paglalarawan ng testigo.
Matatandaang si Esmeralda ay inambus dakong alas-7:30 ng gabi nitong Pebrero 21 sa Paco, Maynila, ilang minuto lang matapos itong lumabas sa NBI headquarters.
Riding in tandem umano na armado ng M-16 armalite ang gunman habang ang isa ay nagmaneho ng motorsiklo.
Naglabasan naman ang mga anggulong ‘ambush me’ dahil ipinagtataka ng ilang ma tataas nqa opisyal ng MPD at NBI kung bakit nagpalit ng sasakyan si Esmeralda, na hiniram pa umano sa kaibigan subalit natiktikan pa rin na doon ito nakasakay.
Samantala, maituturing umano na isang “circus” ang ginagawa ng NBI lalo na ni Esmeralda ng imbestigasyon sa pag-ambush sa kanya kamakalawa sa Maynila.
Ito naman ang sinabi ni Atty. Abraham Espejo, abogado ni dating NBI Director Magtanggol Gatdula matapos na hawakan ng NBI ang kasong umano’y ambus kay Esmeralda.
Ayon kay Espejo, hindi dapat na “gawing tanga” ng mga ito ang publiko samantalang ang dapat na humahawak ng kaso ay ang Manila Police District dahil ito ay simpleng police incident lamang.
- Latest
- Trending