Nagmasaker sa mag-iina sa Taguig, timbog
MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang suspek sa pamamaril at pagpaslang sa isang ina at dalawang anak na lalaki nito sa Taguig City sa isang operasyon kamakailan sa Muntinlupa City.
Nakaditine ngayon sa NCRPO Detention Center si Leonard Capurcos, alyas Junjun/Warren/Mark, 24. Naaresto ito ng mga tauhan ng Regional Police Intelligence Unit malapit sa isang mall sa Alabang, Muntinlupa City.
Nahaharap ito sa kasong tatlong bilang ng murder at isang frustrated murder sa pagbaril at pagpaslang sa 53-anyos na si Flordeliza Rafales at mga anak na sina Norberto, 22 at Godofredo, Jr., 26, noong Enero 24. Nakaligtas naman sa kamatayan ang ikaapat na biktima na si Mhira Flor Rafales, 20, dating live-in partner ng suspek na si Capurcos.
Dito ipinasok sa Top 10 Most Wanted ng Taguig City Police si Capurcos habang pinaigting ng NCRPO ang manhunt operations laban dito. Nabatid sa pulisya na nagpapalit-palit ng taguan ang suspek sa Metro Manila, Cavite at Quezon province.
Nabatid naman na isa pang babae sa katauhan ni Monica Padilla ang binaril at muntik mapatay ni Capurcos nitong nakaraang Pebrero 23, 2009 kung saan isang warrant of arrest ang inilabas ng Taguig Regional Trial Court upang madakip ito.
Sa ulat ng pulisya, tinangka pang takasan ng suspek ang mga operatiba na sumusunod dito sa pamamagitan ng pagsusuot ng wig. Nakumpiska sa posesyon ni Capurcos ang isang granada habang nabatid na nagpatubo na rin ito ng balbas sa buong mukha upang mabago ang hitsura.
- Latest
- Trending