Jeepney vs bus: 6 sugatan
MANILA, Philippines - Anim katao ang sugatan makaraang magsalpukan ang isang pampasaherong jeep at isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ni SPO4 Nelson Apostol ng Quezon City Police Traffic Sector 5, nakilala ang sugatan na sina Marlon Veldulaga, 37; Junnie Vela Ester, 49; Remedios Taruc, 39; Maricris Cristina Espina, 44; Liza Marie Abayata, 17; at Joseph Franco, 21; pawang mga pasahero ng jeepney at ginagamot sa East Avenue Medical Center.
Nasugatan ang mga biktima, makaraang salpukin umano ng sinasakyan nilang jeepney (TWD-564) na minamaneho ng isang Lorimar Zipagan ang hulihang bahagi ng CM transit bus (TYR-688) na minamaneho ni Jaime Perillo Jr.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa may southbound lane ng Commonwealth Avenue partikular sa harap ng King V chef food and restaurant sa Brgy. Holy Spirit pasado alas-9 ng umaga.
Binabagtas ng dalawang sasakyan ang nasabing lugar kung saan nasa gawing unahan ang bus nang biglang sinalpok ito ng jeepney
Sa lakas ng impact, nawasak ang unahang bahagi ng jeepney na ikinasugat ng mga pasahero nito.
Sinasabing hindi na nagawa pang makapagreno ng jeepney matapos na biglang huminto ang bus sa lugar.
- Latest
- Trending