MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang makaraang masaksak ng kanyang kapitbahay na isa ring ina nang ipagpatuloy ng dalawa ang away ng kani-kanilang mga anak, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Las Piñas General Hospital and Trauma Center dahil sa saksak sa tiyan ang biktimang si Divina Tebla, 21, ng Mateos Compound, Brgy. Pulang Lupa Uno, ng naturang lungsod.
Sumuko naman sa rumespondeng mga barangay tanod ang 24-anyos na suspek na si Joan Ito, nakatira sa katabing silid lamang ng biktima.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga nang unang mag-away ang mga paslit na anak ng dalawang ginang.
Naghihiwa ng ilulutong ulam si Ito nang komprontahin umano siya ng biktima at pinaratangan na kinukunsinti ang kanyang anak sa pang-aaway sa kanyang anak hanggang humantong ang komprontasyon sa mainitang pagtatalo. Pinalo umano ni Tebla ng bakal na takip ng kaldero sa ulo si Ito na gumanti naman nang saksakin nito ang dating kaibigan. Sinabi ni Ito na hindi umano niya sinasadya ang pananaksak kay Tebla dahil sa nabigla lamang umano siya nang unang atakihin ng kapitbahay.
Nakatidine ngayon si Ito sa Las Piñas detention cell at nahaharap sa kasong ho micide.