MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na binatilyo ang nagbigti sa loob ng container van sa Tondo, Maynila kamakalawa. Kinilala ang nasawi na si Danilo Aballa, isang delivery boy at nakatira sa loob ng container van sa Pier 2 North Harbor, Tondo, Maynila. Sa report ni Det. Mario Asilo ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-10:00 ng hapon nang natagpuang patay ang biktima sa loob ng nasabing container van.
Ayon kay Wilfredo Dela Cruz, 17, kaibigan ng biktima, huli nitong nakitang buhay si Aballa dakong ala-1:00 ng hapon na umiiyak subalit hindi naman nito tinanong kung ano ang dahilan ng pag-iyak. Gayunman, dakong alas-2:00 ng hapon nang puntahan ni Dela Cruz ang nasawi para pumasok sa trabaho subalit bumulaga sa kanya ang kaibigan na nakatali ang leeg gamit ang isang lubid.
Tumanggi naman ang mga kamag-anak ng biktima na paimbestigahan ang pagkamatay nito dahil naniniwala silang walang naganap na foul play. Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Cruz Funeral Homes para sa safekeeping.