MANILA, Philippines - Binuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano na bigyan ng armas ang kanilang mga traffic enforcer makaraang bugbugin ng grupong sangkot sa drag racing ang isa nilang tauhan sa Macapagal Boulevard noong nakaraang Biyernes.
Nilinaw ni MMDA Asst. General Manager for Planning Emerson Carlos na hindi naman nila ito minamadali at gagawan pa ng kaukulang pag-aaral upang makatiyak na walang paglabag silang magagawa dahil sa pagtutol ng maraming sektor sa panukala.
Ang pagbuhay sa panukala ay ginawa makaraang salakayin ng nasa 30 racers at hinihinalang sindikato na nagpapatakbo nito ang traffic enforcer na si Raul Reuterez nitong nakaraang Biyernes. Nabatid na miyembro si Reuterez ng MMDA motorcycle unit na inatasang magbantay sa Macapagal Boulevard kung saan sinita nito ang grupo ng drag racers na umatake sa kanya habang armado ng tubo at iba pa.
Isinugod sa pagamutan si Reuterez dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at katawan na resulta ng panggugulpi sa kanya.
Hindi naman binanggit ni Carlos kung anong uri ng armas ang plano nilang ibigay sa kanilang mga enforcers.
Ngunit sa ngayon habang isinasailalim ito sa pag-aaral, nagdagdag na ng tauhan ang MMDA sa Macapagal Boulevard laban sa naturang sindikato ng drag racers na hinihinalang pinatatakbo ng mga kabataang anak-mayaman.