MANILA, Philippines - Umabot sa 36 na saksak sa katawan ang tinamo ng isang 43-anyos na guro sa isang private prep school na hubo’t hubad na natagpuang patay sa loob ng kanyang kuwarto kamakalawa sa Valenzuela City.
Ang biktima ay nakilalang si Nerissa De Guia, biyuda, guro sa Nuestra Señora De Guia Pre-School na matatagpuan sa Brgy.Balangkas at residente ng F.Santos St., Brgy.Pasolo ng lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Josefino Pagtama na ang biktima ay hinalay muna bago sinaksak sa katawan at leeg na sariwa pa ang mga dugo nang ito ay matagpuan ng kanyang dalawang anak na tinedyer.
Wala pang pagkakakilanlan ang awtoridad sa suspek na umano ay maaaring kakilala ng biktima dahil sa walang force of entry sa pagpasok sa kuwarto nito.
Nabatid na kabibiyuda lang ng biktima noong isang taon at kasama nito sa bahay ang dalawang anak na isang 14-anyos at 15-anyos na natutulog sa kabilang kuwarto.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima na namamalantsa dakong alas-10:00 ng gabi noong Sabado sa kuwarto ng mga anak.
Nabatid din na nawawala ang dalawang cellphone, silver bracelet at hindi pa madeterminang halaga ng salapi.