MANILA, Philippines - Nasa hot water ngayon ang hepe ng Manila Police District (MPD) Station 3 na si Supt. James Afalla at 10 pang tauhan nito na sinasabing dawit sa pagdukot sa apat na Koreano at pagtatanim ng marijuana sa mga ito kapalit ng malaking halaga sa Maynila.
Kasabay nito, pinabubuwag na ni Manila Mayor Alfredo Lim ang Station Anti-Illegal Drugs sa bawat istasyon bunsod na rin ng ginawa ng mga pulis.
Ayon kay Lim, pinaiimbestigahan niya si Afalla upang malaman ang kinalaman nito sa ilegal na operasyon ng kanyang mga tauhan na apat pa lamang dito ang kinilalang sina Sr. Insp. Glenn Gonzales, PO2 Jolly Aliangan, PO2 Richard Sibayan at PO1 George Borabo na nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs.
Idinadawit din ang dalawang tourist guide na sina Choi Jang Tae at Gi Il Bang alyas “Tom” na sangkot sa pagdukot kina Kim Youn Ho, Lee Byung Soup, Nam Sang Jik at Do Wa Kuk.
Nakilala sina Gonza les, Aliangan, Sibayan at Borabo sa pamamagitan ng CCTV ng Diamond Hotel.
Batay sa report, alas-10 ng umaga ng Pebrero 14 nang maganap ang pagdukot sa mga biktima sa labas ng nabanggit na hotel. Naghihintay ng kanilang pag-alis ang apat na biktima nang hikayatin ang mga ito ni Choi na maglakad-lakad sa labas ng hotel.
Dito ay biglang lumabas ng sasakyan ang tatlong kalalakihan na armado ng mga baril at sapilitang pinasakay at dinala sa MPD Station 3 ang mga dayuhan kung saan sinabihan ang mga ito na inaresto sila sa kasong pagdadala ng marijuana.
Agad na sinabihan ang mga biktima na magbayad ng $30,000 para sa kanilang kalayaan.
Muling sinakay sa sasakyan sina Lee, Nam at Do habang naiwan sa police station si Kim. Nagkaroon ng negosasyon su balit nabigo ang mga pulis.
Dahil dito, bumalik sa police station ang mga biktima at suspect kung saan inutusan ang mga biktima na humingi ng tig-$6,000 sa kani-kanilang pamilya hanggang sa makakuha ng $24,000 at tuluyan nang pinalaya ang mga biktima.
Matapos ito ay agad na nagtungo sa Korean Embassy ang mga biktima at inireport ang kanilang sinapit. Dito na nagsagawa ng imbestigasyon kung saan positibong itinuro ng mga biktima na dinala sila sa MPD-Station 3.
Nahaharap ang mga ito sa abduction, extortion at planting of evidence ang mga sangkot na pulis.