MANILA, Philippines - Simula na ngayong araw ang paniniket o pag-iisyu ng Traffic Violation Receipt (TVR) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga motorcycle rider na lalabag sa motorcycle lane o blue lane sa kahabaan ng EDSA Avenue.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, tapos na ang isang linggong dry-run ng MMDA at sapat na ang panahon na ibinigay sa mga motorcycle rider, kung kaya’t mag-iisyu na ng TVR ang kanilang mga traffic enforcer laban sa mga violator na motorcycle rider.
Nilinaw naman ni Atty. Emerson Carlos, assistant general manager for operation ng MMDA na hindi lamang ang mga lalabag sa paggamit ng blue lane ang huhulihin ng kanilang mga traffic enforcers kundi ang mga lalabag din sa iba pang panuntunan sa tamang pagmamaneho ng motorsiklo.
Kabilang na rito ang hindi pagsusuot ng helmet, hindi wastong kasuotan tulad ng kawalan ng sapatos, pagsasakay ng higit sa dalawang katao sa isang motorsiklo at hindi pagbubukas ng kanilang headlights kahit sa araw.
Tiniyak ng MMDA na hindi makakaligtas ang mga violator sa naturang traffic scheme kahit naging ligtas sila sa mga mata ng mga nakatalagang traffic enforcer dahil ang kahabaan ng EDSA Avenue ay may sapat na close circuit television (CCTV) camera at ma-mo-monitor ang mga violator sa pinatutupad na batas trapiko.
Nauna ng ipinagmalaki ni Tolentino ang matagumpay na implementasyon ng paglalagay ng motorcycle lane sa EDSA matapos na wala isa mang naitalang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo mula nang ipatupad ang dry run noong nakaraang Pebrero 13 ng taong kasalukuyan.