MANILA, Philippines - Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang labi ng pinaslang na negosyanteng si Noel Orate Sr., ang dating kinakasama ni ex-Quezon City Rep. Nanette Daza kahapon kasabay ng panawagan ng hustisya ng kanyang pamilya.
Nakasuot ng itim at puting damit na tanda ng pagdadalamhati at nakaimprenta sa damit ang mensaheng “Justice for Noel Orate” ay inihatid ng kanyang pamilya si Orate sa Loyola Memorial Park sa Marikina City pasado alas-10 ng umaga.
Bago ang libing, isang memorial service ang isinagawa sa Arlington Memorial Chapel, ng buong kaanak ng Orate na nagpahayag na lalaban sila para sa hustisya para sa kanilang ama.
Pebrero 10 nang pagbabarilin at mapatay sa loob ng bahay ni Cong. Daza si Orate ng mismong manugang ng mambabatas na si Bulacan provincial board member Allan Robes.
Kasong murder ang isinampang kaso ng pamilya Orate laban kay Robes, ngunit naibaba ito sa kaso ng homicide dahilan para pansamantalang makalaya ang huli sa bisa ng piyansa.
Gayunman, hiniling ng pamilya Orate ang panibagong pagsisiyasat para maiakyat ito sa kasong murder.