MANILA, Philippines - Mahigpit na ipatutupad ang zero graduation fee sa 103 pampublikong elementarya at hayskul sa Maynila sa darating na Marso 2012.
Ito ang direktiba ni Manila Mayor Alfredo S. Lim kay city schools superintendent Dr. Ponciano Menguito na no collections sa mga estudyanteng magtatapos ngayong Marso o maging ang tradisyunal na high school proms sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.
Bukod sa direktiba ay pinaalalahanan din ni Lim si Menguito na iwasan ang maluhong pagdaraos ng graduation at kung maari ay sa mismong paaralan na ganapin upang hindi na makadagdag sa alalahaning gastos ng mga magulang.
“Kaya nga binabalikat ng pamahalaang-lungsod ang lahat ng kailangan sa mga paaralang ito ay upang huwag magastusan ang mga magulang, tapos pagagastusin natin sila nang para lamang sa ilang oras na okasyon,” dagdag pa Lim.
Kung hindi umano sang-ayon ang ilang mga magulang, dapat na silang lumipat sa pribadong paaralan upang mabigyang pagkakataon ang mga tunay na naghihikahos para pag-aralin ang mga anak.
“Eh kung ganyan na meron pala silang panggastos sa mga mamahaling damit at graduation, dapat ilipat na lang nila sa pribadong paaralan ang kanilang anak para mabigyan naman ng pagkakataon `yung iba na tunay na walang panggastos,” giit pa ni Lim.
Nabatid na may kabuuang 103 public elementary at high school ang ginagastusan ng lokal na pamahalaan sa libreng edukasyon para sa mahihirap.