MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang 34-anyos na security guard nang mahulog ito mula sa ikaapat na palapag ng isang gusali sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Lasog ang katawan at basag ang bungo ng biktimang kinilalang si Felix Begino, ng Blue Ridge Security Agency at residente ng Mayamot, Antipolo City.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi nitong Miyerkules sa Pietra building sa panulukan ng Vasquez at Pedro Gil Sts. sa Malate, Maynila.
Bago ang pagkahulog ni Begino, nakipag-inuman umano ito sa mga katrabaho na nagsimula alas-6:00 ng gabi.
Nabigla na lamang umano ng ilang saksi sa biglang pagbagsak ng biktima na nakita pang sumagi sa kable bago bumulusok pababa at unang bumagsak sa isang sasakyan (NQZ-850) hanggang sa tuluyang bumagsak na sa semento.
Masusi pang iniimbestigahan ang insidente.