MANILA, Philippines - Bunsod nang labis na kalungkutan dahil sa umano’y paghihiwalay ng kaniyang mga magulang kaya nagawang magpakamatay ng isang 23-anyos na dalaga sa pamamagitan nang paglagok ng silver cleaner sa Pasig City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Jessica Rosario, service crew sa isang fastfood chain at residente ng San Agustin St., Sampaloc, Manila.
Sa inisyal na ulat, nabatid na ang pagpapakamatay ng biktima ay naganap dakong alas-11:30 ng gabi sa loob ng bahay ng kapatid nito sa Phase 1, Caliwag St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City. Pansamantalang nakitira ang nasawi sa kapatid nito simula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang na labis umano nitong dinamdam.
Gigisingin sana ng kaniyang kapatid ang biktima para kumain ng hapunan pero nagulat ito nang makitang bumubula na ang bibig ng biktima at wala nang buhay.
Nakuha sa tabi ng dalaga ang isang bote ng hinihinalang silver cleaner na pinaniniwalaang tinungga nito.
Narekober din ng pulisya sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang cellphone na naglalaman ng mga hinanakit nito sa buhay dahil sa paghihiwalay umano ng kanilang mga magulang.
Samantala, isang 23-na lalaki ang nagbaril naman sa sarili matapos nitong hindi matanggap na hihiwalayan na siya ng kanyang kinakasama kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ang nasawi na si Oscar Rosio, ng Salmon St., Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng bala sa dibdib buhat sa isang sumpak.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid, na kinausap ng biktima ang kinakasama nitong si Mary Jane Dela Cruz dahil sa nais ng makipaghiwalay ng babae dito hanggang sa nagalit ang biktima at nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Dakong alas-9:45 ng gabi ay kumuha ng sumpak ang biktima dahil sa hindi nito matanggap ang pakikipaghiwalay ng kinaka sama, saka binaril nito ang sarili. (Mer Layson at Lordeth Bonilla)