80-taon sa sapatero na humalay sa 13-anyos
MANILA, Philippines - Hinatulan ng isang huwes ng Marikina City Regional Trial Court ng 80-taong pagkakakulong ang isang sapatero na dalawang beses na panggagahasa sa isang 13-anyos na dalagita noong taong 2005.
Natagpuang “guilty” ni Judge Felix Reyes ng Marikina RTC branch 272 sa kasong panggagahasa ang akusadong si Elmer Mendez na isinampa ng 13-anyos niyang biktima. Bukod dito, inatasan din ng huwes si Mendez na magbayad ng P200,000 civil at moral damages sa kanyang biktima.
Sa rekord ng korte, naganap ang panggagahasa sa dalagita na anak ng kasamahan ng akusado sa trabaho noong Hunyo 27 at Agosto 22, 2005 sa loob ng isang pabrika ng sapatos sa Marikina.
Nagtungo sa pabrika ang biktima upang humingi ng pera sa ina na nagtatrabaho rin dito ngunit hindi ito nabigyan.
Ngunit bago makaalis ng pabrika, hinatak ng akusado ang biktima papasok sa isang opisina at pina ngakuan na siya ang magbibigay dito ng pera. Dito na naganap ang unang panggagahasa sa dalagita.
Muling naulit ang panggagahasa nang magpunta uli sa pabrika ang dalagita kung saan dinala naman ng akusado ang biktima sa palikuran at dito ginahasa. Sinabihan pa umano ng akusado ang biktima na huwag makikipag-sex sa iba dahil sa pag-aari na niya ito at pinagbantaan pa.
Hindi naman pinaboran ng korte ang mga alibi ng akusado na may relasyon sila ng biktima.
- Latest
- Trending