Reklamo vs ex-congressman sa Ombudsman umuusad
MANILA, Philippines - Naniniwala ang isang magsasaka buhat sa Taguig na tuluyan nang mabibigyang pansin ang kanilang hinaing laban sa isang dating associate justice ng Supreme Court na naging kongresista na sinasabing ipinamahagi ang kanilang lupain sa ibang taong hindi naman magsasaka.
Ayon sa magsasakang si Jovitto Olazo na una nang nagsampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa dating Supreme Court associate justice na natutuwa siya at umuusad na ang kanyang reklamo.
Ito’y matapos na atasan ng Ombudsman ang dating mahistrado na maghain ng counter affidavit kung saan umaasa ito na mabibigyan ng prayoridad ang kanyang reklamo.
“Umupo po siya bilang miyembro ng Committee on Awards na namamahagi ng mga lupa sa bisa ng Proclamation Nos. 2476 at 172,” pahayag ng magsasaka.
“Ang mga lupang ito na sakop ng Lower Bicutan, Western Bicutan at Signal Village sa Taguig ay inilaan ng batas para sa mga magsasaka at residente ng mga barangay na ito,” dagdag pa ni Olazo.
Subalit ang kinalabasan ay sinasabing sa kamag-anak ng dating mahistrado na hindi naman mga magsasaka napunta ang lupain na dapat sana ay sa pamilya Olazo at iba pang residente.
- Latest
- Trending