MANILA, Philippines - Nakalabas na sa kanyang piitan si Bulacan Provincial Board Member Allan Robes matapos na makapag-piyansa sa kasong homicide.
Si Robes ay naharap sa kasong homicide dahil sa pagpatay kay Noel Orate, umano’y dating karelasyon ni dating Congresswoman Nanette Castelo-Daza.
Ayon kay Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit, ang suspect ay pinalaya sa kanyang detention cell sa Camp Karingal ganap na alas-5 Lunes ng hapon.
Si Robes ay mister ni QC Councilor Jessica Daza, anak ni dating Rep. Daza.
Sabi ng pamilya Daza, nagawang mabaril ni Robes si Orate bilang pagdepensa sa kanilang pamilya na tinangka umanong i-hostage ng huli nang magtungo itong lasing sa kanilang bahay sa Maningning St., Brgy. Teachers Village-East noong nakaraang Biyernes.
Dito anya ay pinagbantaan ang pamilya Daza na papatayin na naging ugat para mangyari ang naturang insidente.
Gayunman, tutol ang kampo ni Orate partikular kay Noel Orate Jr., sa desisyon ng korte na homicide dahil base sa mga tama ng bala na natamo ng kanyang ama ay malinaw na murder ito.