MANILA, Philippines - Nasa 663 motorcycle riders ang buwenamanong nahuli ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Deve lopment Authority (MMDA) sa unang araw ng implementasyon ng motorcycle lane sa kahabaang EDSA kahapon.
Hindi pa naman pinagmulta ng P500 ang mga nahuling riders ngunit isinailalim ang mga ito sa 15-minutong seminar sa road safety sa may Roxas Boulevard, Orense sa Makati City, White Plains at Timog sa Quezon City kung saan dinikitan ng stickers ang kanilang mga motorsiklo na nakasaad na “Certified Motorcycle Riders” at “Disiplinado Ako”.
Nabatid na isang linggo munang isasagawa ang “dry run” sa EDSA bago regular na ipatupad sa susunod na linggo. Pinakamaraming nahuli ang MMDA sa may General Simon na may pinarang 385 motorcycle rider, 95 sa Roxas Boulevard, 80 sa White Plains, 72 sa Orense at 31 sa Timog.
Itinalaga ng MMDA ang ikaapat na lane bilang motorcycle lane na pininturahan ng kulay asul at nilagyan ng markang “Motorsiklo Lane”.
Inirereklamo naman ito ng mga nakamotor dahil sa naipit na naman ito sa pagitan ng dalawang lane ng mga pribadong sasakyan habang makikihati rin sila sa ibang behikulo sa motorsiklo lane.
Sa reklamo ngayon na kumakalat sa mga motorcycle threads sa internet, mas delikado sa mga nakamotorsiklo ang pakikihati sa iisang lane sa mga mas malalaking pribadong behikulo. Pabor sana ang mga motorcycle riders sa motorcycle lane kung ekslusibo lamang ang isang lane sa motorsiklo.
Umapela naman si MMDA Chairman Francis Tolentino sa ibang mga driver ng mga pribadong behikulo na respetuhin ang mga nakamotorsiklo sa naturang lane upang makaiwas sa mga aksidente.