MANILA, Philippines - Patay ang isang rider matapos na sumemplang sa madulas na kalsada bago tuluyang mabundol ng isang dump truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw. Kinilala ang biktima na si Christian Cando, 27, ng Heroes del 96, DM Compound, Caloocan City. Kusa namang sumuko ang driver ng truck na si Danilo Caudin, 36, ng Brgy. Babosalan, Porac Pampanga. Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Edsa Northbound lane, partikular sa harap ng Caltex Gas Station, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Bago ito, kapwa binabaybay ng Honda XRM motorcycle (4492-NN) ni Cando at Isuzu dump truck (RJK-278) na minamaneho ni Caudin ang lugar ng dumulas ang una at sumadsad sa kalsada. Dala ng mabilis na impact, tumilapon mula sa motorsiklo si Cando saka tinamaan ng paparating na truck. Dahil dito, nagtamo ng matinding tama sa katawan ang biktima sanhi ng agaran nitong kamatayan.