MANILA, Philippines - Patuloy ang paghahanap ng awtoridad sa isang 14-anyos na dalagita na tumalon sa isang ilog sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Jorge Sea, desk officer ng Brgy. Doña Imelda, nakilala ang biktima na si Analyn Tongian, pansamantalang nanunuluyan sa Kapiligan, Brgy. Doña Imelda sa lungsod.
Sinasabing galing probinsya ng Visaya ang biktima at dinala lamang umano ng kanyang tiyahin sa Manila para magbakasyon.
Sinabi ni Sea, nangyari ang insidente dakong alas-10 ng gabi habang nakatayo ang biktima sa tabi ng ilog na tila nakaambang tumalon.
Napuna umano ang biktima ng ilang residente sa lugar kung kaya hinatak nila ang biktima papalayo sa lugar at dalhin sa kanyang tinutuluyan.
Pero habang patungo sa kanyang bahay ay nagpumiglas ang biktima at nakawala sa hawak ng mga residente saka nagtatakbo pabalik sa ilog at tumalon.
Dagdag ni Sea, base umano sa kaanak ng biktima, nagtangka na umanong magpakamatay ng biktima sa probinsya sa pamamagitan ng pag-inom ng kemikal na pagpatay ng daga, pero nagawa itong mailigtas.
Bago, nangyari ang pagtalon nito, madalas umanong nakikita ang biktima na tulala at laging nakatingin sa ilog na tila may malalim na iniisip.
Sa kasalukuyan patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad partikular ang coast guard sa nasabing biktima.