Doktor na nameke ng $3-M health care program, timbog
MANILA, Philippines - Isang Pinoy doctor na inakusahan ng pamemeke ng health program sa Estados Unidos na nagkaka halaga ng $3 milyon ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.
Kinilala ni NBI Foreign Liaison Division (NBI-FLD) chief Lawyer Claro de Castro Jr. ang Filipino fugitive sa US na si Eric Uy Chan, alyas Eric Uy Garchitorena, dating naninirahan sa N T. Mapua St. Manila.
Si Chan ay inakusahan ng US government ng pamemeke, panloloko, pagnanakaw upang makakuha o makakolekta ng bayad mula sa California Medical Program na umaabot sa $3 milyon.
Batay sa report ni De Castro si Chan ay inaresto ng mga operatiba ng NBI-FLD sa loob ng Camp Aguinaldo noong Sabado.
Nabatid na matapos na dumating sa bansa, naging medical corps reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Chan sa ilalim ng pangalang Lt. Col. Eric Garchitorena.
Lumilitaw din sa records na si Chan, na may-ari ng Green Cross Medical Clinic sa Carsons, California, ka sama ang kanyang mga co-conspirators na sina Diadema Digma at Chan Annilie Arcangel Ferrer ay sangkot umano sa iba’t ibang panloloko at pamemeke sa California’s Medi-cal program gamit ang mga pekeng dokumento at claims.
Inupahan umano ni Chan at mga kasamahan nito ang licensed physician na si Dr. Hyun Hong Kim at ginamit ang provider number nito upang makakuha ng halagang $516,656 mula sa Medical.
Agad ding pinade-activate ni Kim ang kanyang provider number matapos na madiskubreng nagamit ito sa panloloko. Nakakuha din si Chan ng $1,695,252.10 para sa Evergreen Medical Clinic gamit ang provider number ni Dr. Saifuddin Saifee at $6,000 naman gamit ang provider number ni Dr. Herman De Bardlabon.
- Latest
- Trending