MANILA, Philippines - Nakataas ngayon ang seguridad ng Makati City Police sa buong lungsod bilang bahagi ng pag-iwas na muling maganap ang madugong “Valentine’s Day Bombing” noong 2005 na ikinasawi ng apat katao.
Nilinaw naman ni Makati City Police officer-in-charge Supt. Jaime Santos na wala naman silang natatanggap na ulat ng banta ng terorismo sa lungsod sa kabila nang naganap na pagsabog ng isang “improvised explosive device” sa Salcedo Village sa Makati Central Business District nitong nakaraang Enero 23.
Dinagdagan na ng pulisya ang tauhan ng pulis na nagpapatrulya sa Central Business District at iba pang importanteng establisimiyento sa lungsod kabilang ang Metro Rail Transit.
Kahapon ay sinimulan na rin ng pulisya ang pagtatalaga ng mga foot at mobile patrols sa naturang mga lugar at pakikipag-ugnayan na rin sa pamunuan ng mga malalaking establisimento upang maging katuwang nila sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ngayong Araw ng mga Puso.
Maglalagay na rin ang pulisya ng mga check points at choke points sa iba’t ibang lugar sa lungsod habang muling isasagawa ang “Oplan Photo Sita” kung saan kukuhanan nila ng larawan ang license plate numbers ng mga nagmomotorsiklo at lalagyan nila ng information stickers ang plaka.
Matatandaan noong Pebrero 14, 2005, naganap ang pagpapasabog sa isang pampasaherong bus malapit sa Ayala MRT station kung saan apat ang nasawi habang 60 katao ang malubhang nasugatan.