14 parak sa Maguindanao massacre, giit mailipat sila sa Camp Crame
MANILA, Philippines - Iginiit sa Quezon City court ng 14 na police officers na sangkot sa Maguindanao massacre na mailipat sila ng kulungan sa Camp Crame mula sa kasalukuyang selda sa Camp Bagong Diwa Taguig.
Sa kanilang pleading sa sala ni QC-RTC Judge Jocelyn – Solis Reyes, mas mainam na sila ay mailipat sa kampo Crame sa halip na sa Headquarters Support Services Custodial Service Unit sa Camp Bagong Diwa dahil nakakaranas sila ng “low morale” sa kanilang selda ngayon makaraang magpakamatay doon si PO2 Hernani Decipulo, isa din sa mga akusado sa krimen. Nangangamba umano sila sa kanilang kaligtasan sa naturang selda.
Ang mga nagsampa ng pleading na nabanggit ay sina PO1 Herich Amaba, PO3 Rasid Anton, PO3 Felix Enate, PO1 Narkok Mascud, SPO1 Eduardo Ong, PO2 Saudi Pasutan, PO1 Arnulfo Soriano, PO3 Abibudin Abdulgani; PO3 Hamad Nana, PO1 Esmael Guialal, SPO1 Oscar Donato, PO1 Abdula Baguadatu, PO1 Pia Kamudin at PO1 Esprielito Lejarso.
Ang mga ito ay pawang mula sa 1508th Provincial Mobile Group na nakatalaga sa checkpoints sa Maguindanao noong Noyembre 23, 2009 nang maganap ang pagmasaker sa may 50 katao kasama na dito ang ilang mediamen.
Mahigit ng dalawang taong binubusisi ng sala ni Judge Reyes ang kasong ito.
- Latest
- Trending