MANILA, Philippines - Ipatutupad na bukas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorcycle lanes sa buong kahabaan ng EDSA.
Inaasahan naman na kumpleto na ang pagpipinta ng kulay asul na linya sa ikalawang lane sa kaliwa at katagang motorcycle lane na siyang itinalagang dapat daanan lamang ng mga nagmomotorsiklo sa EDSA.
Ngunit ipinaliwanag ni Chairman Francis Tolentino na “dry run” lamang muna ang kanilang ipatutupad sa loob ng isang linggo kung saan maninita pa lamang ang mga traffic enforcers sa mga motorcycle riders at hindi pa maniniket. Ngunit kailangan naman na sumailalim sa 15-minutong “road safety seminar” ang mga motorcycle riders na mahuhuli.
Bibigyan ng hugis puso na stickers na may MMDA logo ang mga riders na sasailalim sa seminar dahil sa tiyempo ang implementasyon sa Araw ng mga Puso. Nakasaad sa mga sticker ang katagang, “Certified Motorcycle Riders at Disiplinado Ako”.
Nabatid na hindi lahat ng nagmomotorsiklo ay pabor sa ipatutupad na regulasyon ng MMDA kung saan ipinupunto na mas magiging delikado ang mga nakamotor sa iisang lane lamang dahil sa kasabay rin nito sa naturang lane ang ibang mas malalaking behikulo.
Dahil dito, umapela naman si Tolentino sa ibang mga motorista na lulan ng mas malalaking behikulo na ugaliin ang pagtitimpi at disiplina sa mga nakamotorsiklo upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Ibinase ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa EDSA sa ipinasang Memorandum Circular 12-01 Series of 2012 na ipinasa ng Metro Manila Council.