'Tulak' niratrat, dedo
MANILA, Philippines - Tigok ang isang lalaki na hinihinalang gumagamit at umano’y nagtutulak ng ilegal na droga matapos na ratratin ng isang di kilalang lalaki habang papauwi ng bahay lulan ng isang motorsiklo sa Marikina City kahapon ng madaling araw.
Nasawi noon din ang biktimang si Vincent Martos, 22, alyas ‘Tutay’, residente ng Roga Compound, Donya Petra Sub division, Brgy.Tumana, Marikina City bunsod nang tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Mabilis namang tumakas ang di nakilalang suspek na lulan ng isang Mitsubishi Adventure, na hindi naplakahan. Sa ulat, nabatid na dakong alas-4:55 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa Road 5, Donya Petra Subdivision sa Brgy. Tumana.
Lulan umano ng kaniyang motorsiklo ang biktima at papauwi na ng kanilang tahanan nang bigla na lang itong sabayan ng isang Mitsubishi Adventure at pagbabarilin ng suspek.
Kahit sugatan, nagawa pa rin ng biktima na makababa ng motorsiklo upang tumakas ngunit hinabol ito ng suspek at nang makorner ay muling niratrat ng bala na agaran nitong ikinasawi. Inaalam na ng pulisya kung posibleng may kinalaman sa illegal na droga ang krimen matapos na aminin umano ng ama nito sa pulisya na sangkot ang anak sa paggamit at pagtutulak ng illegal drugs. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest
- Trending