MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section ang anggulong love triangle sa pag-ambush sa isang pulis habang naglalakad kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Dead on the spot ang biktimang si SPO1 Rodrigo Llagas Cortez Jr., nakatalaga sa Highway Patrol Group, National Capital Region, Camp Crame, Quezon City at residente ng Tondo, Maynila sanhi ng tinamong mga tama ng mga bala ng baril sa katawan.
Ayon sa report ng pulisya, base sa nakuha nilang impormasyon girlfriend umano ng biktima, ang babaeng tinutukoy na kasama ng hindi nakikilalang gunman.
Sinabi ng testigo na magkasama umano ang babae at suspect na inilarawan na nasa edad 30, may taas na 5’5, nakasuot ng jacket na kulay beige, maong pants, naka-bull cap na kulay brown at armado ng .9mm na baril.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Ramir Dimagiba, naganap umano ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa kahabaan ng Natividad St. Sta. Cruz, Maynila.
Naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang sundan ng suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ito na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. Nang matiyak ng suspect na patay na ang biktima ay mabilis itong tumakas sakay ng isang passenger jeep sa direksiyon ng Tayuman.
Ayon sa ilang saksi, isang hinihinalang babaeng look-out ng suspect ang napansin sa lugar na tumalilis sa magkaibang direksiyon matapos ang pamamaril saka sumakay ng isang nag-aabang na motorsiklo malapit sa isang fastfood sa kanto ng Tayuman at M. Natividad Sts..
Patuloy naman ang imbestigasyon at ang follow-up operation ng pulisya para imbitahin ang sinasabing girlfriend ng biktima.