MANILA, Philippines - Dalawang pampublikong eskwelahan sa Quezon City ang planong ilipat ng pamahalaang lungsod sa ibang lugar matapos na madiskubreng nakatayo ang mga ito sa tinatawag na fault line na magresesulta sa posibleng kapahamakan.
Ayon sa pamahalaang lungsod, pinag-aaralan na nila ang planong paglilipat o posibleng remedyo sa dalawang pampublikong paaralan- ang Silangan Elementary School at Batasan Elementary School na nadiskubreng nakatayo sa west valley fault line.
Sinabi ni Quezon City Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, wala pang napipiling lugar na paglilipatan sa nasabing mga apektadong eskwelahan, pero ginagawan na nila ito ng paraan upang maging kampante ang mga nag-aaral sa lugar.
Bukod sa mga nabanggit na paaralan, apektado rin ng nasabing west valley faultline ang ilang naglalakihang mansion sa bahagi ng Capitol Homes sa Brgy. Commonwealth.
Paliwanag ni San Diego, ang ilan sa mga mansyon ay nagkakahalaga ng 10-30 milyong piso at naitayo doon nang hindi nalalaman na bahagi pala ito ng faultline.
Ayon sa Phivolcs, ang west valley faultline at may habang 20-hanggang 25 kilometro na nagtatapos sa boundary ng Quezon City, San Mateo at Rodriguez Rizal.