Paslit naatrasan ng van, lasog

MANILA, Philippines - Isang 5-anyos na batang babae ang nasawi makaraang maatrasan at magulu­ngan ng isang L-300 van kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Isinugod pa sa Taguig Pateros District Hospital ang biktimang si Jenny Robe Iguis, ng Rodriguez Compound, Ibayo, Sta. Ana subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas sanhi ng grabeng pinsalang tinamo nang maipit pa sa chassis ng naturang sasakyan.

Arestado naman at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resul­ting to homicide ang driver na si Narciso Pergia.

Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng naturang compound habang naglalaro ang biktima malapit sa harapan ng kanilang bahay.

Naglalaro umano sa liku­ran ng L-300 van (XAU-113) ang biktima nang sumakay si Pergia at basta na lamang iniatras ang sasakyan sa kanyang pagmaniobra at hindi napansin ang paslit. Dito pumailalim ang bata at naipit sa chassis at tuluyang nagulungan.

Nalaman lamang ni Pergia na na-atrasan at napailalim na sa kanyang sasakyan ang bata nang may sumigaw na sa ilang mga nakasaksi sa pangyayari.

Show comments