MANILA, Philippines - Patay ng isang hardinero makaraang matusta nang buhay matapos na makuryente habang nanunungkit ng mangga sa isang compound sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Nelson David, 25, residente sa Milan Avenue, Capitol Park Homes, Diliman sa lungsod. Ayon sa ulat, si David ay nakuryente habang nanunungkit ng mangga sa may Scout Chuatoco, Brgy. Roxas District, ganap na alas-7:30 ng gabi.
Sinabi ni John Macaya pinsan ng biktima, nanonood sila ng telebisyon ng biktima nang bigla itong magpaalam para manguha ng mangga. Dala ang panungkit, inakyat ni David ang puno ng mangga subalit habang sinusungkit ang prutas ay minalas na sumayad ang rod ng panungkit sa isang live wire kung kaya nakuryente ito.
Sinabi ni Macaya, nasa ikalawang palapag siya ng kanilang kuwarto nang marinig niya ang pag-spark ng kuryente sa labas, at nang kanyang silipin ay nakita niya ng biktima na nahulog. Agad na lumabas ng bahay si Macaya at doon na niya nakita ang pinsang sunog na sunog ang katawan habang nakahandusay sa semento.
Sinasabing nang mahulog ang biktima ay tumama pa ang ulo nito sa semento kung kaya labis na napinsala ang buong katawan nito na siya niyang ikinamatay.