MANILA, Philippines - Timbog ang dalawang kidnapper habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan matapos tangkain ng mga ito na kunin ang ransom money kapalit ng paglaya ng isang kagawad ng pulisya na dinukot kamakailan sa Caloocan City.
Kinilala ni Chief Supt. Antonio Decano, director ng Northern Police District (NPD) ang mga nadakip na sina Molen Gilla, “alyas Clariza”, 31, at Rufino Antonino Lope Jr., 45, kapwa ng Pasay City.
Nakatakas naman ang kanilang kasama na si Shiela Astodillo ng Mayor St., Makati City .
Habang sinusulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya at hinahanap ang mga biktimang sina PO2 Henry Guevarra at Rolando Angeles na nawawala pa noong Enero 21, 2012.
Ayon sa salaysay ni Melody Dionisio, ka-live-in ni Guevarra, noong Pebrero 6, 2012, nakatanggap siya ng tawag sa telepono at nanghihingi ng P1 million kapalit ng kalayaan ng mga biktima na naging dahilan upang ilapit niya ito sa mga pulis.
Kung kaya’t gumawa ng plano ang Northern Police District Intelligence Division at sinabihan si Melody na tawaran ang ransom money hanggang sa magkasundo sa P500,000.
Napagkasunduan na sa tapat ng isang fastfood chain sa EDSA Avenue, Caloocan City isasagawa ang bayaran, na naging dahilan upang magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis.
Naghanda ng boodle money ang mga pulis at naganap ang tubusan sa nasabing lugar alas-10:00 ng gabi.
Matapos tanggapin ni Gilla ang pera ay agad na dinamba ito ng mga pulis. Hindi rin nakatakas si Lope na dala ang Suzuki (2059-EB) habang nakatakas naman si Astodillo.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.