MANILA, Philippines - Isang pulis ang nasa balag ngayon ng alanganin makaraang ireklamo ng robbery-extortion ng isang negosyanteng Iranian national sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang pulis na si PO1 Levi De Vera, 36, nakatalaga sa QCPD-Kamuning Police Station 10 .
Si PO1 de Vera at isa pang hindi nakikilalang lalaki ay inireklamo sa CIDU ng biktimang si Hamid Reza Aghaali Maghazeh, 47, ng Pasig City,.
Sa salaysay ng biktima, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue Quezon City ganap na alas-2:30 ng madaling araw noong Enero 27, 2012.
Sinasabing sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima nang harangin ito ng pulis at kasamahan dahil sa bintang na carnap umano ang dala nitong motorsiklo.
At upang ma-release ang motor ay hiningan ng pulis ang negosyante ng pera, at upang hindi na rin anya madala ito sa MMDA.
Mula rito, dinala ng mga suspek ang biktima at ang motorsiklo sa isang karinderya sa Sct. Reyes saka dinala sa madilim na bahagi ng nabanggit na lugar na may nakaparadang jeepney kung saan tinangay ng mga gamit ng huli.
Nakuha sa biktima ang isang Nokia N96 cellphone (Php. 16,000.00); isang Samsung Galaxy Y (Php. 5,900.00); driver’s license ng biktima, papeles ng motorsiklo; at salapi na tinatayang umaabot sa Php. 3,000.00.