Trader patay sa sakal ng pinsan
MANILA, Philippines - Pinatay sa sakal ng sariling pinsan ang isang 62-anyos na negosyante sa harap pa mismo ng walong taong gulang na anak nito matapos ang isang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Isinugod pa sa Olivarez General Hospital ngunit idineklarang patay na ang biktimang nakilalang si Wilson Sonny Carcallas, ng Camella Homes 3, Green Heights Subdivision, Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na nakilalang si Oliver Damalario, pinsan ng nasawi.
Sa ulat ng Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng kuwarto sa bahay ng biktima. Sa salaysay ng batang anak na babae ng biktima, narinig niyang nagsisigawan ang kanyang ama at si Damalario sa kuwarto nito hanggang sa marinig na humihingi ng saklolo ang una.
Nang puntahan niya ang kuwarto ng ama, nakita niya ito na sinasakal ng suspek kaya agad siyang nagtatakbo palabas ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Nang dumating ang saklolo, nakahandusay na sa sahig ang biktima habang hindi na mahagilap ang suspek na nagawa nang makatakas.
Patuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng pulisya kung saan inaalam rin kung ano ang pinagtalunan ng magpinsan. Nakatakda namang sampahan ng kasong murder ang suspek sa korte.
- Latest
- Trending