2 holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang hinihinalang holdaper nang maka-engkwentro ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang mga nasawi na kapwa nasa gulang na 18-20-anyos. Isa ay may taas na 5’3, nakasuot ng itim na t-shirt at maong shortpants, tsinelas at armado ng kalibre .38 baril.
Ang ikalawa ay 5’4 ang taas, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, maong pants at armado umano ng kalibre .22 magnum na baril.
Sa sinumpaang salaysay ng taxi driver na si Regente Osalla, 36, ng Sta. Ana, Maynila, bandang alas-2:30 ng madaling araw ng sumakay sa kanyang taxi ang dalawang suspect sa bahagi ng Mandaluyong at nagpahatid sa San Andres Bukid, Maynila.
Nang nasa bahagi na ng Lambingan bridge, sa New Panaderos St. Sta. Ana, Maynila ay bigla siyang tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap. Isa sa suspect ang kumuha sa kaniyang wallet na naglalaman ng P1,740 at lisensiya at mabilis na bumaba.
Nagmadali namang dumulog ang biktima sa pulisya na agad nagresponde. Sa panulukan ng Isabel St. sa Sta. Ana, namataan ni Osalla na naglalakad ang da lawang suspect pasalubong sa kanilang direksiyon at nang mamataan ng mga ito ang pulis ay doon na nagpaputok ng baril. Gumanti naman ang mga pulis na ikinasawi ng dalawa.
- Latest
- Trending